Saturday, April 29, 2023

Interview kay JR Lopez Gonzales | Alumni Endowment Fund Center of MSU-IIT

Paano mo mailalarawan ang iyong karanasan sa MSU-IIT?

Hindi malilimutan. Ito ang naging karanasan ko sa MSU-IIT dahil ito ang naging simula ng buhay kong mag-isa; malayo sa aking mga magulang at kapamilya. Medyo maaga rin kasi ako napasok sa IIT. 15 years old lang ako, kaya challenging pero enjoy.

 

Ano ang pinakamaligayang alaala mo sa MSU-IIT?

Marami. Naging parte ako at huling batch ng MINDS (MSU-IIT Noble Debating Society) at isa sa mga naunang miyembro ng MIDV (MSU-IIT Debate Varsity). Nag-debate ako at nagrepresenta ng CASS at MSU-IIT na rin, sa live TV debates sa ABS-CBN News Channel dati.

 

Hindi ko rin malilimutan ang 2006 YouTube video na ginawa ko kasama ang ilang IITians na nagsilbing 1st YouTube vlog sa MSU-IIT. Natuto rin akong magmahal; bumuo ng mga life-long friends, at iba pa. Ang pag-umpisa at pagpapasikat ng ‘Sikhai’ chant namin sa PolSci na after 15 years, ginagamit pa rin ng PolSci society. #SikhaiPolsci Masyadong marami ang mga alaala at hindi ko siya mabilang nang isa-isa.

 

Gaano kalaki ang naging papel ng MSU-IIT sa iyong naging paglalakbay tungo sa kung ano man ang narating mo ngayon?

Maraming parte ng buhay ko ang nabago; mga pananaw ko sa edukasyon at sosyodad. Minulat ang mata ko sa intelektualismo. At tinuruan akong maging mas mahusay at mas nag-iisip na indibidwal.

 

Ano ang meron sa pagiging IITian na pinaka-proud ka?

Isa itong bantog na paaralan na nagbibigay ng oportunidad para sa isang maliwanag na bukas ng mga batang Pilipino; lalung-lalo na sa ating mga Mindanawan. sa mga migrant settlers, sa mga Lumad at maging sa ating mga kapatid na Muslim. Naging level ang playing field dito. Maraming buhay ang nabago; maraming mga mahuhusay na estudyante ang natulungang umangat ang mga buhay-buhay dahil sa edukasyon ng MSU-IIT.

 

Sa anong mga aspeto ng tingin mo ay dapat pang mag-improve ang IIT?

Siyempre ang walang-katapusang pagpapaunlad pa sa paraan ng pagtuturo. Sana ay maipagpatuloy pa ang mabuting mga hakbangin para sa pagiging consistent natin sa national at world rankings.

 

Noong nakapagturo ako sa MSU-IIT mahigit sampung taon na ang nakararaan, naalala kong naging prayoridad ni former Chancellor Tanggol ang pag-produce ng dekalidad na researches ng academe natin. Sana rin mas marami pa tayong quality researches para mas lalo pa nating matulungan ang mga lokalidad at mapalawak din natin ang influence at linkages sa labas ng MSU-IIT.

 

Ano ang pakiramdam ng magtaguyod ng karera sa pagsusulat/pagpapahayag?

Ibang klase siya. Sa aking palagay; maraming tao ang gusting magsulat ngunit hindi lahat ay kayang maging marahas na manunulat o tagapagpahayag.

 

JR Lopez Gonzales

Nihindi nga ako naging Silahis writer (hindi dahil sa ayaw kong magsulat; bagkus dahil napaka-busy ko sa aking mga tungkulin sa simbahan at paaralan noong mga panahong iyon), pero matagal ko na rin kasing passion ang journalism at pagsusulat in general.

Six-time RSPC writer ako at naging 1st Placer din sa National Schools Press Conference kaya meron naging binhing naipunla sa aking isipan bago pa ako naging IITian. Nang nagturo na ako ng political science doon na ako nag-umpisang gumawa ng political at socio-commentary blog (Take note, hindi pa ‘vlog’ ang uso ha). Patuloy na nagsulat hanggang sa ma-pick up ng major news network at nai-feature na ang mga likha sa GMA News, Rappler, ABS-CBN News, CNN iReport; and the rest is history, kumbaga.

Ano ang nag-udyok sa iyo na pasukin ang nasabing larangan?

That time kasi wala pa akong kilala na mga political at socio-commentary bloggers; kaya naisipan kong maging isa sa mga unang mag-blog na mula sa Mindanao (at sa Pilipinas). Siguro na rin dahil sa adbokasiya kong ipagmalaki at ipakilala ang Mindanao sa larangan ng pagsusulat. Nawari kong marami sa ating mga Mindanao achievers ang nagnanais na i-represent ang Mindanao at mabago ang mga stereotype ng ibang Pinoy patungkol sa atin.


Anong mga hamon ang iyong naranasan bilang isang manunulat o mamamahayag at paano mo sila nalampasan?

Sa proseso ko; wala naman gaano. Sa umpisa siguro, ang pagpiga ko ng creative juices kasi ibang klase rin talaga ang pagba-blog; dapat catchy at ibang klase ang wit mo. Hindi ako kumita nang malaki pero naging tulay ito para mapanatili ang aking sanity. Naharapan ko naman ng solusyon ang mga pagsubok dahil mahal ko ang ginagawa ko at importante sa akin ang mapanatili ang aking pagkamalikhain sa maraming bagay.

Ang vision ng AEFC ay magpalago ng kultura na lumilingon sa pinanggalingan at paying it forward. Paano sa tingin mo, bilang isang alumni na kagaya mo, maipakita ito?

Sa aking mga naging content sa Usap Usap University YouTube Channel, may mga naging interviews ako sa mga outstanding alumni natin; isa lang ito sa aking paraan ng pagpapakita ng literal napag-look back. Ito rin ay nagsisilbing paalala sa ating mga alumni na baka mayroon pa tayong pwedeng maiambag sa kanya dahil sa kanyang nagawa para sa atin.

 

Nilalagay ko ang mga AEFC links sa aking social media to help promote our “Give To MSU-IIT” campaign. At dahil nasabi ko nga ang kampanyang ito; maaari po tayong magbigay ng kahit ano mang halaga para sa ating endowment fund.

Ano ang gusto mong sabihin sa mga kapwa mo IITian o mga incoming alumni?

Sa aking mga kapwa IITian na mga estudyante at nag-aaral pa ngayon pagbutihan ninyo. Pahalagahan ninyo ang inyong mga classmate at mga ka-org, makilahok, mag-ambag at matutong makiisa. Piliting gumawa ng makabuluhang alaala kasama ang iyong mga ka-batch. Kayo ang mga sulĂ´ na magrerepresenta ng inyong pamilya, tribo, at lahi. ‘Wag sumuko at patuloy na isipin ang para sa kabutihan. ‘Wag mong isipin na ikaw ang na pinakamagaling sa lahat dahil along the way, may masasalubong kang mas mahusay pa sa ‘yo. So, ano’ng dapat mong gawin. Hone your craft.

 Sa aking mga kapwa namang IIT alumni pati na incoming. Salamat po sa inyong panahong mabasa ang patungkol sa aking karanasan sa IIT. Alam kong marami sa inyo ang naging matagumpay na rin sa iba’t-ibang larangan kaya sana po ay makipag-connect pa kayo sa AEFC at sa ating home departments dahil pwede po tayong makatulong sa mga MSU-IIT students at maging sa hinaharap ng ating dakilang pamantasan. Sabi nga ng ating kasalukuyang Chancellor Ditucalan, we’re “Influencing the Future”.

Maraming salamat sa patuloy na pagpapabilib at pagpapakilala sa iba na ang Mindanao ay mayroong MSU-IIT na kayang makipagsabayan sa kahit sino man sa buong Pilipinas – sa buong daigdig. Bilang naging isang guro rin sa IIT; proud po ako sa inyo. Proud po ang IIT community sa inyong narating o maaabot pa. Mabuhay po kayo!

 

 

 

No comments:

Post a Comment